http://www.romblonpost.com/8742rs/romblon_history.swfLaganap ang reputasyon ng Alcantara at Santa Fe na lugar na kakikitaan ng magagandang babae. Sa tuwing itinatanong ko nga ito sa matatanda kung bakit, laging sagot sa akin ay dahil sila ay mga anak ng mga mestiso at mestisang bunga ng pag-aasawahang Kastila at katutubo noon. Madalas din nga na reputasyon ng mga may dugong Kastilang ay ang pagiging matapang at mata-pobre bagamat di lahat. Nariyan din ang histurang may matangos na ilong, balat na maputi at tangkad.
Nagising ang aking interes sa paksang ito nang mapag-alaman kong may iisang ninunong Kastila ang tatlong pulitiko at isang anak ng pulitiko ng apat na magkakaibang bayan. Ito ay ang kasalukuyang alkalde ng Odiongan na si Baltazar Ll. Firmalo, namayapang alkalde ng Ferrol na si Pacifico Ll. Mayor, kasalukuyang Board Member na si Gil Ll. Moreno na taga-San Agustin at balikbayang si Engr. Inocencio Ll. Gonzales Jr. ng Looc. Kung susuriin, lahat sila ay nagtataglay ng gitnang apelyido na dalawang titik Ll ang simula at ang ibig sabihin ay Llorca. Sino ba ang kanilang lolo? Ito ay walang iba kundi si Don Miguel Llorca na sinasabing may inasawa at inanakan daw sa bawat bayan ng Tablas. Ibig sabihin, bawat nanay ng apat na nabanggit ay pawang anak ng nasabing Kastila.
Maliban sa kanya, sinu-sino pa ba ang mga Kastilang tumira sa Tablas? Ayon kay Menez (A Brief History of a Typical Town, 52), maraming tumirang Kastila, puro man at mestiso, sa Odiongan. Sila ay ang mga sumusunod: Don Marcos Garcia, Don Juan Nogueras, Don Ildefonso Mariscal, Don Pedro Ortez at asawang Doņa Esperanza Perez, Don Perfecto Criscini, Don Bernabe Arandiaga, Don Protasio Mondejar, Don Domingo Olivan at Don Manuel Onandia (na nagmula pa sa Albay).
Madali para sa mga Kastila ang yumaman at magkaroon ng lupa at ibang ari-arian. Si Nogueras ay napunta sa pagsasaka at nagkaroon ng plantasyon ng kape sa Mainit sa lupang pag-aari na ngayon ng mga Ylagan samantalang siMondejar ay naging tagapag-alaga ng mga hayop tulad ng kalabaw. Si Olivan naman ay namili ng maraming kabayo at baka.
Gaano katotoo ang balitang sila ay mapang-abuso at masasama? Ang sagot ay hindi sa lahat ng pagkakataon. Totoong kinatatakutan sila ng mga karaniwang katutubo dahil sa kanilang pagpapautang ng mga produktong malaki ang tubo. Tuwing panahon ng pagtatanim ng palay, walang magawa ang mga magsasaka kundi ang umutang ng bigas sa kanila. Sa bawat isang kaban, dalawang kaban ang sisingilin sa kanila sa panahon ng anihan. Kapag hindi ka makabayad sa tamang oras, tiyak na may kaparusahan.
Sa kabilang banda, mayroon ding mga Kastila na napamahal sa mga tao. Isa na rito si Don Mariscal na kilalang masipag at mahusay na karpintero. Kahit namayapa siya noong 1885 dahil sa epidemya ng kolera, nag-iwan siya ng mga magagandang mwebles sa kanyang tahanan na kakikitaan ng marka ng kasanayan (Maaaring hindi na ito makikita ngayon).
Sa panahon ng Himagiskang 1896, maraming Kastila, mapa-sibilyan at prayle, ang inusig at pinatay ng mga tao. Ang ilan sa kanila ay tumakas pabalik ng Espanya. Maaaring kasama rito si Arandiaga na bantog na may-ari ng maraming lupain sa Ferrol at mayroon pang natirang inapo doon. Ang iba naman ay nanatili sa Odiongan at napuwersang mamuhay ng bago sa nakagawian. Sa panahon ng mga Amerikano, wala silang nagawa kundi magpailalim sa bagong mananakop at makipamuhay ng tahimik kasama ng mga katutubo. Nagpatuloy rito ang pag-aasawahan kung kaya nagbunga ng mga mestiso at mestisang anak. Siguro ang tanging alaala nila ay ang mga titulong Don at Doņa sa sementeryo.
Sa susunod na makakakita tayo ng mga Romblomanong may dugong Kastila, hindi na natin dapat ito pagtakhan at ikagulat dahil mayroong kasaysayan sa likod ng kanilang pag-iral. Hindi na rin dapat nila ito ituring na palatandaan ng kanilang superyoridad sa karaniwang Romblomanon. Gayundin, mapa-prayle o karaniwang Kastila man ang kanilang mga ninuno, walang mabigat na dahilan para itrato silang iba sa atin. Ang dapat lamang nating gawin ay ituring silang kapareho din natin bilang karaniwang tao dahil maliban siguro sa dugo, kasalo na natin sila sa kasaysayan, wika at kultura.