Welcome, Guest. Please login or register.
News:
 
ROMBLON ONLINE INTERACTIVE COMMUNITY  |  ROMBLON CHITCHAT - NON POLITICAL THREAD ( LIGHT & FRIENDLY INTERACTION)  |  ROMBLON HISTORY & TRIVIA (Moderator: Prof.Tupe)  |  Topic: ANO ANG IMAHE NG MGA MIGRANTENG TAGALOG?
Pages: [1] Go Down Print
Author Topic: ANO ANG IMAHE NG MGA MIGRANTENG TAGALOG?  (Read 326 times)
Prof.Tupe
Global Moderator/Contributor
Veteran
*****
Posts: 91



« on: February 07, 2010, 07:54:07 PM »

<a href="http://www.romblonpost.com/8742rs/romblon_history.swf" target="_blank">http://www.romblonpost.com/8742rs/romblon_history.swf</a>

Hanggang sa kasalukuyan, tila hindi matahimik ang pagpupunyagi ng ilan na napapanahon na umanong palitan ang pangalan ng ating bansa. Hindi daw nararapat ang Pilipinas dahil ito ay ibinigay ng dayuhang si Villalobos bilang parangal kay Haring Felipe II ng Espanya. Ayon naman sa iba, maganda daw ang pangalang ito na maaaring hango kay Apostol Felipe ng Bibliya. Marami na rin ang nagmungkahi ng bagong pangalan tulad ng “Rizaliana Republic” ni Artemio Ricarte at “Maharlika” ni dating Pangulong Ferdinand Marcos subalit nanaig pa rin ang Pilipinas.

Mismong si Rizal ay tanggap ang Filipinas dahil ginamit niya ito sa pangalan ng kanyang samahang “La Liga Filipina.” Katunayan, isang bantog na talambuhay sa kanya ay sinulat ni Leon Ma. Guerrero at may pamagat na The First Filipino. Para naman kay Bonifacio, “Katagalugan” ang tawag niya sa bansa. Makikita ito sa titulong bigay niya sa kanyang sarili - “Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.” Ibig sabihin ba ni Bonifacio, dapat papaghariin ang mga Tagalog sa buong bansa? Hindi. Para sa kanya, ang salitang Tagalog ay nangangahulugang “taga-ilog” at dahil ang bansa ay isang arkipelagong napapalibutan ng anyong tubig, nababagay ang Tagalog bilang kolektibong tawag sa lahat ng Pilipino maging Ilokano, Kapampangan o Bisaya ka man.

Sa kabila ng katotohanang nasa teritoryo ng mga Tagalog ang Maynila na pambansang kabisera at pundasyon ng ating pambansang wika ang Tagalog, tila may masamang reputasyon sa ating kasaysayan ang mga Tagalog na nagsimulang mandarayuhan sa atin noong ika-19 dantaon. Karamihan sa mga ito ay taga-Batangas at nagsitungo sa Tablas para mangalakal at magtayo ng negosyo.

Ayon kay Madeja (Romblon: 1570-1946, Its History and Development, p. 55), maaaring push factor ang naganap na pandarayuhan ng mga Batangueño dahil umano sa sunud-sunod na pagputok ng Bulkang Taal noong Oktubre 4, 1867, Hulyo 15 at 16, 1874 at 1880. Upang makaiwas sa mga kalamidad na nabanggit, marami sa kanila ang tumakas patungo sa ibang lugar tulad ng Tablas.

Taong 1870 ang pinakaunang pagdaong ng mga mangangalakal na Tagalog sa Odiongan. Nagpatuloy pa ito hanggang 1885 kung kailan naging karaniwan ang pamimili nila ng tabako, niyog, kalabaw at kabayo. Dahil tinangkilik ng mga Odionganon ang tabako, napuwersa ang mga magsasaka na lalong pag-ibayuhin ang ani ng nasabing produkto taun-taon. Dahil sa pagyaman ng mga negosyanteng Tagalog dito, marami pang manggagawa sa kanila ang nahirating magtungo rito. Bago ang 1896, marami na sa kanila ang maririwasa sa buhay at mayroon nang mga pag-aari sa bayang pinuntahan. Kakambal ng kanilang pag-usbong bilang isang pwersang ekonomiko sa lipunan ay ang paninisi sa kanila dahil sa pagdadala ng bisyong sugal. Ayon pa kay Meñez (Brief History of a Typical Philippine Town, p. 20), maraming mamamayan ang nawili dito kung kaya’t maraming oras at ari-arian ang nasasayang din.
Lalong tumindi ang alitan ng mga Tagalog at katutubong Romblomanon noong Himagsikang 1896 dahil sa pang-aabuso ng una. Kahit na nagpunta rito sina Hen. Mariano Riego de Dios at mga rebolusyonaryong Caviteño noong 1898, tila hindi na naayos ang ugnayang ito.

Ang negatibong imahe ng mga Tagalog ay laganap sa alaala ng mga matatandang Loocnon. Isang susi umano para yumaman ang mga migranteng Tagalog sa Looc ay ang kanilang ginawang panloloko. Tuwing nasa bayan umano ang mga katutubo, sila ay inaalok ng libreng pagkain at alak. Sa pag-aakalang libre nga ito at likas na mababait ang mga migrante, kanila itong tinanggap. Hindi nila alam na ang bawat alok ay pawang nakalista at sisingilin sa dakong huli. Sa takot na mademanda dahil nga hindi nakapag-aral, walang nagawa ang mga Loocnon kundi pumayag na mapunta sa mga Tagalog ang kanilang malalapad na lupain. Ito umano ang isa sa mga dahilan kung bakit nagbago at yumaman ang kapalaran ng mga Tagalog sa Tablas.

Sa kabila ng malungkot na katotohanang ito, hindi ko hangad na buhayin ang alitang ito. Nais ko lamang itong ipaalam at ipaalaala sa bagong henerasyon nang sa gayon ay matuto tayo sa mga aral ng nakaraan, gaano man ito kalungkot o kasakit balikan. Sabi nga ni Hesus, “Malalaman ninyo ang katotohanan at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32)
Logged
Pages: [1] Go Up Print 
ROMBLON ONLINE INTERACTIVE COMMUNITY  |  ROMBLON CHITCHAT - NON POLITICAL THREAD ( LIGHT & FRIENDLY INTERACTION)  |  ROMBLON HISTORY & TRIVIA (Moderator: Prof.Tupe)  |  Topic: ANO ANG IMAHE NG MGA MIGRANTENG TAGALOG?
Jump to:  

DISCLAIMER: All messages made available as part of this discussion group (including any news, pictures, blogs, images, text messages, bulletin board & chat) and any opinion, advice, statements or other information contained in any messages posted or transmitted by any third party are the responsibility of the author of that message and not of Romblonpost (unless Romblonpost is specifically identified as the author of the message) The fact that a particular message is posted or transmitted using Romblonpost website does not mean that Romblonpost has endorsed that message in any way or verified the accuracy, completeness or usefulness of any message. We encourage the posters of the forum to be civil and responsible in posting your message.
Powered by SMF | SMF © 2006-2009, Simple Machines LLC