http://www.romblonpost.com/8742rs/eranes.swfMga tarpaulin nina Budoy at Jojo at ang planong monumento ni Budoy sa RSUNagkalat na naman kahit saang lugar ang mga tarpaulin nina Budoy at Jojo na nagsasabing: “Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon.” Halos lahat ng kanto ng iba’t-ibang bayan dito sa lalawigan ng Romblon ay nakasabit sa mga poste at punong-kahoy ang mga naturang tarpaulin kung saan nakapaskil ang pagmumukha ng dalawang pangunahing salarin eheste lider ng ating lalawigan. Doon sa mga tarpaulin na nagkalat, karamihan ay kasama rin ang pagmumukha ni dating District Engineer Rolindo DE Perez na akala mo ay opisyal din ng lalawigan.
Ang malaking katanungan natin, saan na naman kinuha nina Budoy ang pondong ipinambili ng naturang tarpaulin?
Base sa record, noong nakaraang taon kung saan tinadtad rin nila ng tarpaulin ang buong Romblon, ang pondo ay kinuha nila sa kapitolyo at ito ay pinatunayan mismo ng COA nang lumabas ang kanilang report nitong nakaraang taon. Ibig sabihin, pondo ng gobyerno ang kanilang ipinambili ng mga nasabing tarpaulin. Isa sa mga tarpaulin nina Budoy at Jojo ay tinamaan ng kidlat sa Baywalk sa barangay Tabin Dagat, Odiongan kung saan sunog na sunog ito at wala man lamang natira sa litrato nina Budoy at Jojo. Na para bang gigil na gigil ang kidlat at ayon sa mga nakakita ay isang masamang senyales ito para kina Budoy at Jojo.
Kung nanggaling na naman sa kapitolyo ang pondong ginamit nila sa ipinambili ng tarpaulin ngayon, maliwanag na isa na namang paglulustay ng pera ng probinsya ang kanilang ginawa. Magkano na naman kaya ang halaga na kanilang inubos sa mga tarpaulin na iyan? Maawaing Bathala sa Langit!
Kung ang pagmumukha lamang sana nina Budoy at Jojo ang nandoon, medyo mauunawaan pa ng taumbayan dahil desimulado na pagbati ng pasko ang kanilang motibo dahil mga opisyal sila ng lalawigan, ngunit dahil isinama nila ang litrato ni Mr. DEsilting Ampatuan na hindi naman opisyal ng kahit anong ahensya ng gobyerno, masyadong halata na pamumulitika lang ang kanilang motibo dahil hindi lingid sa lahat na mga kandidato sila ngayong 2010 election. Mga tinamaan kayo ng magaling!
Maliban pa doon sa mga tarpaulin ng pagbati ng pasko, nakabalandra din ang tarpaulin sa harap ng Romblon State University (RSU) na nagsasabing: “Cong. Budoy F. Madrona, the great Father and chief architect of Romblon State University.” Nanay ko po! Ano ba ‘yan?
Ang tanong natin, dapat bang ganun ang ituring nila kay Budoy dahil lamang doon sa pag-convert ng RSC sa pagiging RSU? Na para bang tanging si Budoy lamang ang nagtrabaho para mai-convert ang nasabing unibersidad? Na para bang si Budoy lamang ang nag-iisang tao at wala nang iba pa na nagpakahirap para magkaroon ng unibersidad ang Romblon? Paano na kaya iyong naunang tao na siyang unang nagpanukala na magkaroon ng Odiongan Farm School sa katauhan ni John C. Early?
Paano na lamang kaya iyong mga tao na siyang nag-donate ng lupa para pagtayuan ng nasabing paaralan? Paano naman kaya ang unang opisyal na siyang nagpanukala na i-convert ang dating Romblon Agricultural College tungo sa pagiging Romblon State College sa katauhan ni dating Assemblyman Nemesio “Jun” Ganan? Paano na lamang kaya iyong iba pang opisyal ng RSU na siyang tumulong para makumpleto ang mga requirements para maging ganap na unibersidad ang dating kolehiyo? Bakit wala na ba silang karatapan para alalahanin din at bigyan ng katulad na parangal? Bakit kailangang ituring si Budoy na “the great father and chief architect ng RSU” gayung sinalo lamang naman niya ang trabahong ito bilang kinatawan ng ating lalawigan sa kongreso at obligasyon niya na isulong ang pagiging unibersidad nito! Para sa akin, ang dapat na itawag sa mga ganitong tao ay matakaw sa pablisidad!
-o0o-
Speaking of pablisidad, nitong nakaraang linggo ay nakakuha tayo ng impormasyon na may balak palang gumawa ng isang land mark diyan sa RSU campus sa harap ng national road ang pamunuan nito. Ang ilalagay daw sa planong land mark ay rebulto ni Budoy Madrona. Ha???
Ayon sa ating impormasyon, aabutin daw ng humigit-kumulang P1 milyon ang gagastusin sa naturang land mark at ang kalahati ng naturang halaga ay manggagaling daw kay Budoy at ang kalahati naman ay kukunin daw sa pondo ng cultural fund ng mga estudyante ng RSU? Ha??!!
Kung totoo ito, anong hangin kaya ang pumasok sa utak ng promotor ng nasabing plano gayung kung tutuusin, wala namang maitutulong sa mga estudyante ang planong land mark na ito di ba? Hindi rin tataas ang antas at kalidad ng pagtuturo ang matutunan ng mga estudyante kung sakaling matuloy ang planong land mark na iyan.
Ang punto ko, wala namang masama kung talagang gusto nilang gumawa ng land mark sa unibersidad na iyan, pero ang masama dito ay kung kukunin nila sa pondo ng mga estudyante ang perang ipagagawa nito.
Ayon sa mga estudyante ng RSU na aking nakausap, ayaw nilang pumayag na gamitin ang kanilang pondo at gagawa sila ng petition letter upang tutulan na gamitin ang pondo ng cultural fund dahil may pinaglalaanan na proyekto ang naturang pondo. Dapat lang dahil wala namang pakinabang sa kanila ang naturang rebulto ni Budoy.
Sana unahin munang ayusin ng pamunuan ng RSU ang building ng IPSTED kung saan halos bumagsak na ang kisame nito dahil bulok na sa halip na kung ano-anong rebulto ang kanilang atupagin upang hindi naman kinakabahan ang mga estudyante sa loob ng building na iyan na baka biglang bumagsak sa kanila ang kisame habang nag-aaral.
Sana paghusayan muna nila ang kalidad ng pagtuturo upang mas lalo pang umunlad ang dunong ng mga estudyante at upang lalong gumanda ang imahe ng naturang paaralan.
Sana ayusin muna nila ang sistema ng paggamit ng pondo ng nasabing unibersidad upang mapakinabangan ito ng tama.
Tulad na lamang sa pagbibigay ng cash advances sa mga opisyal at empleyado. Ano na kaya ang nangyari sa cash advances na ginawa ng 50 opisyal at empleyado na pinangungunahan ni Ginang Violeta Maulion kung saan, umabot ng P1,125,377.94 pesos as of December 31, 2008 ang cash advance nito gayung may remaining balance pa siya na P34,742.60 pesos noong 2007?
Ang balita natin, sunod-sunuran daw ang Presidente ng RSU dito kay Ginang Maulion? Kung ano daw ang kumpas ng Ale, sunod naman ang Presidente. Bakit kaya? Ang balita natin, may kotse na daw itong si Ginang Maulion? He-he... wala tayong iniisip na masama ha? Nagtataka lang po!
May impormasyon din tayong nakuha na natanggap na pala ni President Jeter Sespeñe ang Order ng Ombudsman at pinasasagot na sa kanya ang kasong isinampa ni Dr. Alex Formento.
Ngayon sabihin ng mga tagakahol ni Jeter na sinungaling ang Rsun at hindi totoo ang aming isinulat na may kaso ito. Tiyak na matutuwa si Jeter sa inyo dahil sigurado ako na sumasakit ang ulo niya ngayon kung papaano sasagutin ang anim na kasong isinampa sa kanya ni Dr. Formento!
For comments: contact 09208075076